Ako si Marie, ang alagad ng Pag-ibig. (Short Story)

Ako si Marie, isang babaeng alagad ni kupido. Mahaba ang aking buhok, balingkinitan at kaayumanggi ang balat. Nag-iisa akong anak pero hindi ako spoiled tulad ng karamihan. May boyfriend ako, siya si Alex. Mahal na mahal ko siya. Nagsasama na kami sa iisang bubong, mahal ako ng pamilya niya, ganun din sa aking pamilya. Kulang na nga lang e ang papel na nagsasaad na ako ay kanya ng maybahay.
Dalawang taon na rin kami ni Alex at masaya kami sa aming pagsasama araw-araw ng aming buhay.

Kahapon lang masaya kami, maraming kwentuhan, tawanan at nasasabi namin na mahal namin ang isa’t isa higit sa anu pa man..

Tanda ko pa ang pagtulog namin ng maayos at matiwasay. “Mahal na mahal kita, hon,” sabi ko at sumagot naman siya, “mahal na mahal din kita hon.” Ang sarap lang matulog na alam mo na wala ka ng hahanapin o hihilingin pa.
—-
Mahal ko ang pamilya ko. Si mama, napakalambing at aking sandalan. Si papa na sa kung ano ang ikinalaki niyang tao ay ganun din kalaki ang respeto ko sa kanya. Mga idol kong tunay, ang aking mga magulang. 
Alam kong marami akong pagkukulang sa kanila pero alam ko din na naiintindihan nila ako. Noong naging kami ni Alex, kadalasan wala na akong oras sa kanila.
—-
Maliwanag ang sikat ng araw na animo’y nakakabulag, nakausad ang mga kurtina kung kaya ito ay direktang tumama sa aking mukha. Nagising ako, pero wala na sa tabi ko si Alex. Bumangon ako at naglakad sa ibaba patungong kusina para hanapin siya, pero wala siya.
Tinawagan ko si Alex, “may meeting ako ng maaga“, aniya. Hindi na ako kumibo. Iba lang ang pakiramdam, dati rati nagpapaalam siya ng maayos at hinahalikan ako sa noo bago siya umalis.
Hindi ko na lang pinansin ang lahat kahit ito pa ay naulit ng naulit.
Nanonoood kami sa sala, parehong tahimik, wala na ang dating masigla at masayang pag-uusap tungkol sa mga bagay-bagay. At namalayan ko na lang na umiiyak siya sa harap ko.. Hindi ko maintindihan. Tahimik ako. Kinakabahan.
Pagkatapos ang araw na yun, mas lumala ang hindi namin pagkikibuan.
Bigla na lang siyang nawala.
Sinuyo ko siya.
Umiyak ako sa harap niya.
Nagmakaawa akong bumalik siya sakin.
Pero isang malamig na katahimikan ang isinagot niya sa akin.
—-
Birthday niya noon, nagpunta ako sa kanila. Nag-ayos ako, nagbihis ng maganda. May dala akong cake na paborito niya, pupunta ako sa kanila.
Dumating ako at ang lahat ay masaya, sinalubong ako ng mga kamag-anak niya.
Napawi ang aking ngiti sa labi ng makita ko siya na animo’y parang multo lang ako sa paningin niya na parang hindi niya kilala. Pinaramdam niyang hindi na dapat ako nagpunta pa. Na hindi na ako mahalaga.
Natulog ako sa kanila, umaasa na maayos pa namin ang lahat. Sa tuwing nagtatagpo ang aming mga mata, kusa niya itong ibinabaling sa iba. Sa tuwing kakausapin ko siya, isang malamig na sagot ang natatanggap ko.
“Ano ang problema, Alex? May nagawa ba ako na nakasakit sayo? Sagutin mo naman ako. Ayusin natin ito.”
Pero hindi niya ako sinagot, kundi tumalikod siya at naglakad papalayo.
Ang sakit sakit at wala na akong nagawa kundi ang umiyak na lang.
Natulog ako sa kanila, buong gabi akong naghintay, ngunit nagmistulan akong isang kwagong gising sa gabi upang hintayin ang bukang liwayway. Hindi siya dumating.
—-
Naalala ko pa noon, sa tuwing araw ng Linggo, ang lahat sa amin ay nagtitipon. Ang mama at papa ko, mga pinsan at iba pang kamag-anak. Nagtatawanan at nagkukwentuhan, habang ako, pinipili kong hindi umuwi sa amin bagkus pumupunta ako kila Alex. Doon ko ginugugol ang buong araw at oras ko na wala akong trabaho. At minsan na lang ako umuwi sa amin.
Minsan hindi ko na nasasagot ang tawag at text ng mga kaibigan ko dahil iniisip kong mas kailangan ako ni Alex at alam kong maiintindihan nila ako. Pero sa kabila nito mas maraming oras ang nagugugol ko sa mga kaibigan ni Alex kesa sa mga personal kong kaibigan.
—-
Hindi ako natinag sa panunuyo kay Alex dahil alam kong mahal ko siya. Pero sa tuwing pinipilit kong ayusin, mas lalo atang nasisira.
Umaalis siya ng bahay kahit alam niyang andoon ako, hindi niya sinasagot ang mga tawag at text ko. Wala siyang pakialam kahit pa maysakit ako. Ang lamig ng pakikitungo niya sa akin. At kahit ano pa man, kahit masakit na, andyan pa rin ako para sa kanya.
—-
Hanggang sa isang araw, nalaman ko na may iba na siya. Mismong tita niya ang nagsabi sakin. Hindi ako naka-imik. Hindi ko alam ang sasabihin ko.
Nag-isip ako ng mabilis, hindi pwede na mawala siya sakin ng tuluyan kung kaya nag-pasya akong ayusin ang lahat sa amin. Nagdesisyon akong kahit may iba, tatanggapin ko, huwag lang siyang mawala sa akin.
Tanga, bobo at masokista, iyan ang tawag sakin ng mga taong nakapaligid sa akin. Kahit ako na ang sumalo ng lahat ng sakit, huwag lang siyang mawala sa akin.
—-

Nagising na lang ako isang araw na hindi lahat ng bagay pwedeng maiayos. Lahat ng bagay, may hangganan. At lahat ng magaganda na inalagaan mo ng matagal ay pwedeng masira na lang ng isang iglap. 
Ang sakit sakit.
—-
Umuwi ako sa amin, napagtanto ko na nag-iisa na lang ako. Na isinuka ako ng mga taong dati’y kulang na lang sambahin ako.
Masayahin at madaldal akong tao ngunit sa araw na yun, parang pasan ko ang buong mundo. Blanko at tahimik ako. Bakas ang lungkot sa aking mukha, sa mata ko makikita mong para akong namatayan ng alaga at pinagsakluban ng langit at lupa. Hindi ko na ata kaya ang bumangon pa.
Nakita ako ni mama, tinanong niya ako, “may problema ba, ANAK?”
Sa pagkarinig ko ng salitang “anak”, dun nanumbalik sakin na hindi pala ako iniwan ng lahat ng taong mahal ko. Andyan pa pala sila… Hinihintay ako. Tumingin ako kay mama, noon nakita ko ang kayang mga mata, nangungusap, ngunit hindi na ako nakapagsalita, bumuhos na lang ang luha ko. Niyakap ako ni mama.. Noo’y naramdaman ko na parang akong batang inagawan ng kendi, na nagsusumbong sa kanya.
Dumating din si papa noong mga oras na yun. Wala siyang sinambit na kung anumang salita bagkus, narinig ko na lamang na siya ay lumuluha. Ang pinakamasakit na parte sa akin ng mga oras na yun, umiyak ang padre de pamilya, ang idolo ko.
“Anak, hindi ko mapigilan na hindi umiyak, dahil nasasaktan akong nakikita kang nasasaktan pero wala akong magawa.”
Sa mga sambit na yaon ang siyang dumurog sa puso ko, at humagulgol ako ng humagulgol, at tanging yakap na lang ang naisukli ko sa aking mga magulang.
—-
Nalaman ko na pinagpalit ako ni Alex sa kanyang dating nobya na may anak at asawa na. Masakit at para akong ibinaon sa lupa ng buhay. Ngunit sa tuwing naiisip ko ang aking mga magulang, alam kong sapat sila para lumaban ako sa buhay.
Ako si Marie, alagad ng pag-ibig pero sawi. Ngunit sa kabila ng lahat ng ngyari sa aking buhay pag-ibig, nananatili akong matatag, nananatili akong positibo sa buhay.
Hindi man ako nagwagi sa ngayon, alam ko namang may rason ang lahat ng mga nangyayari. At magtitiwala lang ako sa mga taong nagmamahal sakin ng tapat lalo na sa Poong Maykapal.
Ako si Marie, iniwan ng mahal ko pero alam kong hindi pa ito ang katapusan ng kwento ko.
Ako si Marie, sawi man sa buhay pag-ibig, alam kong darating ang araw na may magmamahal sakin ng tapat at hindi ako iiwan.
At ngayon nagpapasalamat akong nangyari ang lahat ng ito kung kaya mas naging matibay ako. Panalo pa rin ako sa buhay pag-ibig ko sapagkat nandyan ang aking mga magulang at tunay kong mga kaibigan.
-end-


*Ang istoryang ito ay hango sa tunay na buhay ng isa sa malapit kong kaibigan. (Story published with permission)
Blogger’s thoughts:
May mga bagay talaga na hindi natin kayang kontrolin, may mga bagay na kahit anong gawin natin ay hindi mapapasa-atin. May mga bagay na nangyayari, kahit hindi natin gustuhin, para tayo ay mas matuto at mas maging matibay sa buhay.
Everything happens for a reason. “Don’t cry because it’s over, smile because it happened.”
Soon, you will be thankful because it happened, for then on you will be grateful. 🙂
Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s